Sa lansangang may sari-saring boses ang namamayani at dala-dala ang mga karatula't pusong puno ng tibay na lumaban sa kung ano ang tama, iisa lamang ang layunin kundi ang magdala ng pagbabago sa kalagayan ng mga inagrabyado. Ngunit, sa pagitan ng mga boses ng pag-asa at pag-usbong ay may mga bulong ng mga buwayang lantarang binabaliko ang kung sino ba ang dapat na mananagot. Ang reyalidad ng mga tumitindig na boses laban sa mga kathang naratibo ay tila dinisenyo upang harap-harapang bilugin at sirain ang konsepto ng katotohanan sa taumbayan.
Limang taon na ang lumipas nang sapilitang dinakip ang Tacloban 5 dahil sa mga paratang na nagtuturo sa kanila bilang mga salot at banta sa kaligtasan ng mga kabataan. Limang na taon na rin nilang nilalabanan ang mga kasong wala namang sapat na katibayan dahil purong katha lamang ito upang gitgitin sila patungo sa patibong na ang kapalit ay ang kanilang kalayaan at karapatang maipagtanggol ang mga sarili.
Sa marayang laban na 'to, saan nga ba matatagpuan ang tapat na hustisya kung ang sariling sistema at ang tinatawag na mga tagapaglingkod ng bayan ang sumisira sa kaayusang palagi nilang dinadahilan? Sino nga ba ang maaasahan ng taumbayan kung ang 'tagapagligtas' ang siyang mismo ang kinatatakutan?
Madaling araw ng ika-7 ng Pebrero, taong 2020, ay nilusob ng mga miyembro ng kapulisan at militar ang mga opisina na kinaroroonan ng Tacloban 5. Sapilitan nilang nilusob ang balay hampangan ng Katungod Sinirangan Bisayas, Bayan EV, at People Surge kung saan nanatili sina Alexander “Chakoy” Abinguna, Mira Legion, at Marissa Cabaljao kasama ang kaniyang isang taong gulang na anak na si Malaya. Sina Frenchie Mae Cumpio ng Eastern Vista at Marielle “Maye” Domequil ng Rural Missionaries of the Philippines–EV naman ay nasa inuupahan nilang kwarto nang sila rin ay nilusob sa parehong marahas na paraan at oras.
Ilang araw bago ang pangyayaring ito ay nakatanggap ng pagbabanta ang Katungod SB at Eastern Vista sa maaaring paglusob sa kanilang mga opisina habang patuloy namang may nagmamasid at nakasunod sa kanilang bawat galaw—mga intel na kapulisan at militar na nagtatago sa likod ng kadamitang sibilyan. Dala-dala nito ang mga litrato ng Tacloban 5 na tila'y pinapangalandakan sa komunidad na tandaan ang mga mukhang sa susunod ay makikita na lang sa mga balita't pahayagan na may mabigat na paratang sa kanilang mga ulo at propagandang sila ang kalaban.
Kung iisipin, walang human rights defenders tulad nila na tapat sa kanilang gampanin at kakayahang bumoses, ang magtatago ng mga armas sa ilalim ng kanilang kama't unan. Lalong-lalo na't walang ina ang kusang ilalagay sa panganib ang kaniyang isang taong gulang na anak na iginigiit na nakitaan ng granada malapit sa kinahihigaan nito. Dahil ang ilagay sa panganib ang kaligtasan, na isa sa kanilang mga isinusulong, ay nagmimistulang paglabag sa sariling prinsipyo nila.
Subalit, ano nga ba ang pinagkaiba ng pag-ibig nila sa bayan sa pag-ibig ng mga bayaning ipinagdiriwang kung katulad nila’y pagbabago at kalayaan din ang nais isulong at makamtan?
Maraming mga political prisoner, journalist, at human rights defender na katulad ng Tacloban 5 ang sapilitang nalayo sa kani-kanilang pamilya at mga mahal sa buhay, ninakawan ng pagkakataon na malayang maging isang indibidwal na higit pa sa pagiging tagapagtanggol at kasama ng masa. Sapagkat, sila ay isang anak, kapatid, ina, at kaibigan na tulad ng bawat isa sa’tin ay karapat-dapat mamuhay na walang takot at pangamba para sa sarili at sa pamilya. Na kahit sa kabila nang walang mintis na pagkilatis at walang inuurungang mga isyung panlipunan, hindi mawawari na sila pa rin ang mga bata, dalaga't binata na nagbibigay lakas at liwanag sa mga nakakasalamuha at nakapaligid sa kanila. Ang pagmamahal nila ay hindi lang sa mga lansangang kanilang isinuyod nag-iwan ng marka, kundi pati na rin sa mga kuwento at alaala na hanggang ngayon ay dala-dala ng mga taong lubusan silang kilala at patuloy na ginagawa ang makakaya na ipakilala sina Frenchie, Chakoy, Maye, Mira, at Marissa higit sa mga bansag sa kanila ng estado.
Sila ay nagsilbing at patuloy na magsisilbing inspirasyon na nag-ukit ng malaking impluwensya sa mga kabataang kagaya nila'y may parehong layunin na gustong isulong—ang lumaban at ipaglaban ang bayan at sambayanang ginigipit sa laylayan. Ang kanilang mga salita at adhikain ay nag-udyok ng mga manunulat, makata, mamamahayag, at aktibista dahil ang sinapit ng Tacloban 5 ay hindi lamang isang hamak na kuwentong panakot sa mga kabataan, kundi isang kuwentong dapat nag-uudyok at pumupukaw ng galit laban sa kasahulang kinukunsinti ng karamihan dahil sa ideolohiyang minamasama ang kanilang paraang umibig sa katarungan.
Ang sinindihang kilusan ay patuloy na paliliyabin sa ngalan ng mga labis na pinahirapan, pinaslang, pinatahimik, at inakusahan na kalaban ng lipunan sa ilalim ng ganid na mga kamay. Kung sila ay patuloy na kapiling ang pag-asang makalaya, katibayan itong ipagpatuloy ang laban dahil kung sino lamang ang siyang lubusang umuunawa sa problemang panlipunan at sa masa ay siyang kaantabay sa pagturo sa kung sino nga ba ang totoong kalaban. Ilang taon pa ba ulit ang kailangang lumipas para muli nilang makamtan ang hustisya at kalayaang ipinagkait?
#FreeTacloban5
#UP Vista